Minsan nasabi ko sa isang tao na wala akong time to be upset because he broke my heart kasi marami akong dapat gawin. I don't wanna waste my time crying.
Hanggang sa isang araw, naglalakad ako and I felt the Lord's presence at ang sabi Niya, it's ok to break down. It's okay to cry. Dinala Niya ako sa Genesis 29. ang kuwento ni Jacob at Leah.
Genesis 29 30
"So Jacob went in to Rachel also, and he loved Rachel more than Leah, and served Laban for another seven years."
Kapag usapang love life, hindi mawawala yung love story ni Jacob at Rachel. Sino ba naman ang makakalimot sa 14 years na paninilbihan ni Jacob makuha lang si Rachel? Nakalimutan ng mga tao na merong Leah. Na si Leah ang unang asawa.
Naiisip ko si Leah, sa description pa lang sa Bible, talong-talo na siya. Hindi sya yung magandang anak, hindi sya yung pinagkatiwalaan sa malalaking responsibiidad. Siya yung pang-bahay lang.
Hindi siya yung pinaghirapan ng pitong taon. Siya yung option, siya yung second-best, yung hindi pinipili. Siya yung iniwan isang araw pagkatapos niyang ikasal.
Pero merong isang katotohanan sa kuwento niya na hindi ko agad nakita.
Hindi ko nakita na habang sinusubukan niyang makuha ang kahit na konting atensyon ni Jacob, pinupunuan ng Diyos lahat ng pagkukulang ng kanyang asawa. Binibigay Niya ang hindi kayang ibigay ni Jacob sa kanya.
Genesis 29:31
"And when the Lord saw that Leah was hated, He opened her womb: but Rachel was barren."
Bakit ba sa kuwento ng buhay, hindi ako ang naging si Rachel? Bakit ba hindi ako yung pinili?
"Lord, bakit ba hindi Mo ako nilikhang ka-ibig-ibig. Bakit ba ang hirap kong mahalin?"
Hindi ako pinili e. gaya ni Leah, hindi ako ang mahal at hindi ako ang pinili. Hindi ko alam kung ano ang mas masakit yung binitawan ko kasi kailangan o yung katotohanan na wala naman talaga akong kinakapitan? Paano mo nga ba naman wawakasan ang kwentong wala naman talagang simula? Pero yung pakiramdam na hawak hawak ni Lord yung kamay ko habang sinasabi Niya sa akin, "hindi ka niya pinili? Pero ako, bago ko pa likhain ang kalawakan, pinili na kita. Hindi mo ba nararamdaman yung pagmamahal ko sa tuwing nakikita mo ang pagdating ng bawat umaga? Hinaharana ka ng mga ibon, niyayakap ka ng hangin. Nilikha ko ang mga bituin at nilagay ko ang kanilang kinang sa'yong mga mata para hindi mo na kailangan ng susungkit nito para sa'yo. Ipinipinta ko ang pagsikat ng araw para ipaalala sa'yo na laging may bagong pag-asa. Sumulat ako ng napakaraming mga pangako na inukit ko sa puso mo. Hindi mo pa ba nararanasan ang katapatan ko? Nung umalis ka sa presensya ko at minahal ang mundo, hinayaan kita. Pero araw-araw kitang hinihintay. Umuwi ka na punong-puno ng galos, dala dala ang nadurog mong puso. Niyakap kita. Hindi nagbago at hindi naluma ang pagmamahal ko para sa'yo. Pinatunayan ko ito nung ibinigay ko ang buhay ko, at paulit-ulit kong patutunayan sa'yo na ako ay sapat at higit pa."
Mas gusto kitang mahalin, Lord. Gusto pa kitang mahalin. Ikaw ang magpupuno ng lahat ng kulang sa puso ko.
Kaya sa kanya na hindi ako minahal, sapat ang pag-ibig ko para palayain ka. Pinapalaya na kita at pinapalaya ko na rin ang sarili ko mula sayo. Gagawa ako ng mga panibagong alaala. Bubuong muli ng mga pangarap At sa pagkakataong ito, hindi ka na kasama.
Para sa itinakda ng Panginoon para sa akin sa mga gabing nalulungkot ako ay yayakapin ka ng aking mga panalangin... sa mga sandaling hinahanap hanap ko ang tinig mo ay lalo akong mananahan sa kagandahan ng Kanyang mga pangako. sa mga pagkakataong nais ko nang tingnan ang iyong mga mata ay itutuon ko ang aking paningin sa kadakilaan ng Kanyang pag-ibig. Hintayin mo ako at hihintayin din kita.
Sa kagaya kong na-Leah zoned. Para sa gaya ko na second best, lagi na lang option B, sa mga kagaya kong hindi pinili. Hindi lang iisang tao ang pwedeng magmahal sa atin. Buksan mo ang mga mata mo at makikita mo yung nag-uumapaw na pag-ibig ng Panginoon. Hindi kumukupas, hindi naluluma.
Mga Natutunan Ko sa Pag-Ibig
Ang pag-ibig ay nagpapalaya. Hindi ka nito ikinukulong sa mga pangakong hindi nito kayang tuparin. Hindi ka nito ikinukulong sa sama ng loob, sa hinanakit o sa galit. Hinahayaan ka nitong mangarap, magmahal at magtiwala.
Ang pag-ibig ay naghihilom. Hindi ka wawasakin ng pag-ibig dahil bubuuin ka nito. Inaalis nito lahat ng sakit. Walang sugat na tumatagal ng panghabang buhay. Kung mag-iiwan man ito ng marka, ito ay para ipaalala sa'yo na minsan kang lumaban-at nagtagumpay.
Ang pag-ibig ay nagtitiyaga. Hindi nagmamadali ang pag-ibig. Alam nito na may tamang panahon para sa lahat ng bagay. Kung mahalaga sa'yo, paghihirapan mo, hihintayin mo. Anumang bagay na pinaghirapan ay mas mapapahalagahan.
Ang pag-ibig ay mapagpatawad. Humingi man ng kapatawaran o hindi, paulit-ulit itong nagpapatawad. Higit sa lahat, pinapatawad nito ang kanyang sarili. Kung nagkamali ka isang beses, hindi ibig sabihin nun na habang buhay ka na lang magkakamali. Hindi ka isang pagkakamali.
Likha ni Tintin Pormilos

No comments:
Post a Comment